Monday, September 6, 2010
So they'd know whether to plug or unplug: buhay na habilin
Nang mamatay ang aking best friend na si Arthur, nang madama ko kung paanong nagdusa ang kanyang pamilya noong kanyang mga huling araw, sinabi ko sa sarili ko na hindi ko papayagang mangyari ito sa aking mga mahal sa buhay pag ako'y nakapila na sa dakilang pre-departure area ng buhay.
Si Arthur ay mahigit na kuwarenta anyos lamang nang dalhin sa ospital na agaw-buhay, biktima ng traydor na hemorrhagic stroke. Massive daw ito -- ang mula sa utak na pagdudugo ay umabot hanggang batok. Tatlong araw na walang malay o nasa coma si Arthur; ang humihinga para sa kanya ay isang artificial respirator.
Ikalawang araw nang magsimulang magtalo ang kanyang asawang si Beth at ang mga kapatid niyang babae kung tatanggalin o pababayaang nakakabit si Arthur sa makinang siya lang nagpapatibok ng kanyang puso. Hindi sila nagkasundo, kahit binalaan na sila ng mga doktor na kung sakaling mabuhay pa siya, hinding hindi na babalik ang dating si Arthur na matalino, mapagisip, mapagbiro, masiste, malambing, masipag, maaalalahanin-- bagkus mananatili lang sa isang estadong walang malay at hindi kayang tulungan ang sarili. Sa Ingles, "vegetative state." Mala-gulay.
Lihim ko siyang pinalakpakan nang si Arthur na mismo ang nag-desisyon para sa sarili niya. Huminto siya sa paghinga kahit nakaplug-in pa din sya sa breathing machine sa ospital. "You go, boy," bulong ko sa kanya. Ikatlong araw noon ng kanyang pagkalugmok.
Matagal ko ding pinagluksa si Arthur. Wala na akong makikitang kaibigang lalaki na kasing-bait at kasing-sensitibo niya. Pambato siyang lecturer sa opisinang pinapasukan namin kapwa, ngunit wala lang sa kanya and papuri, walang ere, walang yabang.
Napraning ako para sa sarili ko dahil sa nangyari sa aking best friend. Lumuhod, nagnobena, nagdasal, umiyak. Sinabi ko sa Kanya na handa akong gawin ang kahit ano, ipamigay ang lahat ko, “basta, Lord, pag time is up na para sa akin, bawiin mo ako nang mabilis at kung maari’y walang gaanong kirot at kuskos-balungos. At pinaka-mahalaga, Lord, huwag mong pahirapan ang aking mga anak at asawa.” Gusto kong makipag-negosasyon, makipagareglo sa aking Diyos -- x-deal kung maari. Ngunit, pwede ba talagang makipag-bargain sa Lumikha?
Tutuo ngang binibigay ni God ang lahat ng ating pangangailangan, dahil hindi nagtagal, napag-alaman ko na meron palang tinatawag na living will.
Buhay na habilin. O habilin ng isang buhay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Ngayon alam ko na kung ano ang posibleng naisip ng mga tao nung bigla akong nawala sa blogworld, Tita.
Nice to see you posting again. :)
Post a Comment